Abstract
Sinuri sa pag-aaral na ito ang kabisaan ng Matira Matibay bilang kagamitang panturo sa panitikan para sa mga mag-aaral sa unang taon na medyor sa Filipino. Layunin nitong matukoy kung nakatutulong ang materyal sa aktibong pagkatuto, paggamit ng dating kaalaman, at pakikipag-ugnayan sa kapwa. Gumamit ang mga mananaliksik ng quasi-experimental design upang suriin ang Matira Matibay bilang gamified na kagamitang panturo sa panitikan. Ang mga kalahok ay mga mag-aaral ng Seksyon 1, unang taon na medyor sa Filipino, sa Bestlink College of the Philippines sa taong panuruan 2025–2026. Gumamit ng survey questionnaire na may dalawampung (20) katanungan at nagsagawa ng pretest at posttest upang masukat ang pagbabago sa pagkatuto. Bago gamitin ang Matira Matibay, 46% ng mga mag-aaral ang nakakuha ng iskor na 11–15 (mahusay), 32% ang nakakuha ng 6–10 (katamtamang mahusay), 18% ang nakakuha ng 16–20 (lubhang mahusay), at 4% ang nakakuha ng 0–5 (di-mahusay). Pagkatapos ng interbensiyon, 68% ang nakakuha ng 16–20 (lubhang mahusay), 26% ang nakakuha ng 11–15 (mahusay), at 6% ang nakakuha ng 6–10 (katamtamang mahusay); wala nang napabilang sa di-mahusay na antas. Ipinakikita ng mga resultang ito ang pagtaas ng mga marka pagkatapos gamitin ang Matira Matibay. Iminumungkahi ng mga natuklasan na nakatulong ang Matira Matibay sa interes, motibasyon, at pagkatuto ng mga mag-aaral sa panitikan. Inirerekomenda ang malinaw na mekaniks, balanseng pag-uugnay ng kompetisyon at layuning pampagkatuto, at masusing paghahanda upang mabawasan ang mga teknikal na aberya. Kailangan din ng karagdagang pag-aaral upang mapagtibay ang bisa nito sa iba pang pangkat at konteksto.
